Wednesday, August 29, 2007

Scene 5: First Day

Hindi ko na masyadong dinamdam yung pagkuha sakin ng litrato, sa halip ay nasabik ako sa unang araw ng klase. Dito ko makikita kung sino ang mga magiging kaklase ko. Makikilala ko ang mga posible kong maging kaibigan, kaaway at ka love team.

First day of classes. Pumunta ako sa first subject namin. Nakita ko ang mga hindi pamilyar na mukha. Hindi ko alam kung sila ba ang mga ka block ko.

Peter: Init naman dito.
Peter: Wala ring teacher.

After 30 minutes na nakatulala..

Peter: Excuse me, may klase po ba?
Girl: Hindi ko alam eh, wala naman kasing sinabi na walang pasok. Wala ring pumupunta dito.

Sabay banat ng..

Peter: Im Peter. :D (malamig yung boses at saka mababa, suave)
Girl: (hihihi) Jane.

Sabay kaway sa isa't isa. Oo, alam ko bulok yung style ko ng pagpapakilala. Pero wala ng hiya-hiya ngayon. College na eh. Saka, mukhang natawa naman si Jane eh, kaya okay lang.

Peter: So, G-9 ka ba?
Jane: Hindi eh, G-10 ako. Computer Engineering course ko, ikaw?
Peter: Pareho tayo ng course. Akala ko pa naman ka block kita. Sayang.
Jane: Bakit naman sayang?
Peter: Wala naman.
Jane: Sabi nga pala ng kuya ko, kapag daw 1/3 na ng total time ng class, wala pang prof, pwede na daw umalis.
Peter: Eh, kanina pa tapos yung 1/3 eh, tara alis na tayo.
Jane: Mauna ka na, hihintayin ko boyfriend ko dito eh. Sige Peter, nice meeting you.
Peter: Sige.

Peter: Sayang, akala ko pa naman may kasama na akong kumain. Mukang magiging dead kid ako ngayon.

Nag-lunch ako sa isang canteen malapit dito nang mag-isa. Loner.
Pagkatapos, pumunta ako sa University Theater para sa Freshmen Assembly. Syempre, inasahan ko na ang isa na namang napakahaaaaaaabang pila. Nakatatak na sa utak ko na hindi mawawala ang pila dito sa paaralang ito.

May mga cameraman din pala galing ABS-CBN at GMA sa labas ng Theater. Dahil sa alisto akong bata, nagmadali akong humarap sa camera. Kunware hindi ko sinasadya na dumaan sa harap, pero ang totoo, naghihintay lang ako ng pagkakataon para ako naman yung interviewin. Hindi naman kasi nalalayo ang itsura ko sa mga artista. Gusto ko rin syempreng maging aktor. Ang alam ko kasi, masmadaling mag artista kaysa mag aral.

Anyway, register, kuha ng freebies (ID Lace ng C2), pasok sa loob at umupo.

Kung ano ang nangyari noong Freshmen Orientation Program, ganoong ganoon din ang nangyare dito. May mga nagtanghal, nagpatawa, nagspeech (zzzzzz) at pina-cheer na naman kami kasabay ng UP Pep Squad. May konti ring yabangan ng mga college. College of Social Science and Philosophy, College of Engineering at College of Science. Pero syempre, hindi sila lahat uubra sa College of Engineering, nandoon ako eh.

Yung last part nung assembly, akala ko normal lang na speech. Yun pala..

Aktibista: Papayag ba tayo!? Huwag nating hayaang maapi ang mga bagong iskolar ng bayan!

May mga banners sila na malalaki. Hindi ko lang maalala yung mga nakasulat.

Peter: Kasama ba yan sa program?
Katabi: Mukang hindi. Rally na ata 'to.
Peter: Eh diba, nandito yung ibang faculty ng UP? Bakit wala silang ginagawa para sa mga aktibista?
Katabi: Siguro ganito talaga dito, may kalayaan.
Peter: First day na first day rally agad.

Peter: Ashtray!

Unti-unting lumabas ang mga freshie. Sumunod na din ako bago pa pagkaguluhan ang gwapong kagaya ko. Pag labas ko ng Theater, ang daming tao! May mga karatula, tapos may orator pa na sobrang lakas ng boses. Kita ko yung ugat sa leeg niya. Banat na banat siguro yung vocal chords nun. May punto naman siya doon eh. Hindi naman kasi ganoon kadali na taasan na lang bigla ang tuition fee ng 300%, at kaming mga freshie ang apektado. Pero dahil ayoko ng gulo, iniwasan ko na lang ang mga ito.

Sa mga signpost na dala dala ng maraming tao sa labas, nakalagay yung mga letrang may numero. May A-1, A-2, G-8, G-9, G-10, G-11 at marami pa.

Peter: Hala! Nagrarally din yung mga blocks? Kailangan ko ng umuwi, ayoko ng gulo. Mapagbintangan pa akong salungat sa pamahalaan.

Kuya: Uy freshie! Anong block mo?
Peter: Ahh, G-9 po, sige po uuwi na ako, hindi ako pwede sumama sa rally.
Kuya: Hindi rally to, block bonding ito. Ako nga pala si Kuya Tim. Ito meet mo na yung mga blockmates mo.

Peter: Hmm, 5 lang kami sa block? Husay! Mukang matitino naman tong mga kaklase ko, pwede na siguro to.

Kuya Tim: Magpakilala naman kayo sa isa't isa. Kayo kayo ang mag-sasama kapag may block activities.

Nagkakahiyaan kami noon. Walang gusto magsalita, puro kaway lang at ngiti. Para kaming nasa TV, yung nasa lower left portion. Yung hindi nagsasalita, nag si-sign language lang. Siguro nahihiya sila magsalita dahil bad breath sila. Ako na ang naguna sa pagsasalita.

Peter: Ako nga pala si Peter Ocampo. (sabay kaway sa kanila)
Apat na G-9 Students: Hi Peter! (kumaway din naman sila)

Matapos nun, isa-isa na silang nagpakilala. Tatlong babae, tapos dalawa lang kaming lalaki. Yung dalawang babae cute, si Christina at si Leslie. Yung isa maganda, si Claire. Magkaiba yung cute sa maganda ha. Yung lalake naman si Richard. Siya lang yung nagbigay ng whole name niya. Richard Go. Kapag nga tinawag mo siya ng buong pangalan, para mo lang siyang pinapa-alis. Well, kung ikukumpara sakin, siko ko lang siya. Pero mukha naman silang friendly lahat. Kahit lima lang kami sa block, pwede na siguro to.

Peter: Kuya Tim, kami lang ba ang G-9?
Kuya Tim: Baka kasi hindi umatend yung iba ng Assembly. Ipagpaliban na lang muna natin yung block bonding. Mas maganda kapag kumpleto na kayo. Sige, pwede na kayong umuwi.

Mga atat din pala umuwi mga ito eh. Nawala sila na parang bula sa Tide.

Peter: Haii, nakakapagod. Ganito pala sa UP, kapag tinamad ang teacher, aabsent siya. Ang mga aktibista, walang sinasanto. Mainit pa. At least kilala ko na yung ilan sa mga magiging kaklase ko.

Peter: Buti naman hindi ko na nakita yung girl na misteryosa. Siguro hinire yun para ipa-assassinate ako. O sugo ng Diyos para multuhin ako. At least, mapayapa na ang loob ko.







Sunday, August 26, 2007

Scene 4: I.D. Picture Taking

Ito mahirap kapag summer; mainit, maalinsangan at mabaho. Oo, mabaho, amoy lupa. Pero hindi nito mapipigilan ang pagpunta ko sa UP, dahil magpapakuha ako ng picture para sa ID.

I.D. , isang bagay na pwede mong ipagmalaki lalo na kapag sa UP ka nag-aaral. Kung pwede lang ibenta yun, tiyak, aabot ng milyon yun, dahil kailangan mo ng mahigit isang milyong piso para masuhulan yung mga nag-aayos ng test sa UPCAT. Biro lang yun ha.

At saka kapag may ID akong suot, hindi na magtatanong yung mga former classmates ko kung saan ako nag-aaral. At least, hindi na masasayang yung laway at calories nila. Iyon nga lang, hindi ko na sila magiging friends dahil sa kayabangan ko.

Pagdating ko sa UP..

Peter: Ahh, ang init! Abot singit! I hate this country! Buti na lang gwapo parin ako!

Pasensya na, nawala lang ako sa katinuan noong mga oras na yun.

Peter: Ayon sa aking mapa, ang Registrar ay malapit sa Math Building. At dahil malapit sa Math building, sasakay ako ng Toki ayon sa aking source ngunit walang jeep! Lakad na nga na lang.

Naglakad ako papunta doon sa tinuturo ng mapa. Mga 8:12 AM yun, kaya medyo hindi pa mataas ang sikat ng araw. Ayos, lakad, lakad, lakad. Napansin kong nagiging gubat na yung kapiligiran. Patay na.

Peter: Teka, bakit parang lumiliblib yung lugar? Nasaan na ba ako. Ayon sa mapa, deretsuhin ko lang ito, pero parang nasa kuta na ako ng NPA. Dedbol!

Dahil masunurin ako sa mapa, dineretso ko ang aking landas.

Peter: ....
Peter: pant* pant*
Peter: Boggaloids UP to, bakit may hideout ng terorista dito! Nasaan na ba ako? Pambihirang rural na lugar to!

Mabuti na lang, may sumalubong sakin na Toki Jeep. Sumakay ako at nagtanong.

Peter: Manong, saan po ba yung Registrar? Sabi kasi sa mapa malapit po dito.
Manong: Ah iho, patingin nga ng mapa mo?
Peter: (inabot yung mapa kay mamang drayber)
Manong: Ahh, luma na yung mapa mo. Itapon mo na yan. Inilipat na yung Registrar. Dadaan naman itong jeep dun eh, ibababa na lang kita doon.

Ayun naman pala. Luma naman pala yung mapa ko. Buti na lang dumaan si manong, kung hindi, baka tuluyan na akong kidnapin ng mga namamahay doon at gawin akong pang-alay sa Diyos.

Buti na lang walang ibang pasahero. Hindi naman masyadong na degrade yung pagkatao ko. Nakarating ako ng maluwalhati sa Registrar, kaya lang, medyo haggard itsura ko. Badtrip.
Sa Registrar, may tao doon na nag bibigay ng index card. Pina fill up-an sakin at pinapila ako. Ayos, parang enrollment lang. Kaya lang mas malamig ng konti dahil open yung lugar. Salamat sa Diyos.

Peter: Holy Moley! Sa dami ng pwede kong makalimutan, ballpen pa! Hmm, dalawang babae pa ang katabi ko. Nakakahiya naman kung manghihiram ako. May pride ako! Pride! Bakit naman ako manghihiram? Ako hihiram? No Way!

Peter: Excuse me, pwedeng pahiram ng ballpen? Sandali lang, bibilisan ko sulat.
Freshiegirl: Ito, may extra ako.
Peter: Salamat ha! :)

Peter: Akala ko ba pride? Bakit ako nanghiram! Kung sabagay, wala ng hiyahiya ngayon! One cannot live on bread alone. Ay mali. No man is an island pala. Kailangan natin ang isa't isa para mag survive!

Freshiegirl: Anong course mo?
Peter: Ahh, Computer Engineering. Hehe, ikaw?
Freshiegirl: Chemical Engineering. Pareho pala tayu ng college eh.
Peter: Oo nga eh, umm, ito na pala yung ballpen. Salamat talaga ha, hindi ko naman akalaing may fifill up-an dito.
Freshiegirl: Wala yun, hehe :)

O ayan, ngayon alam niyo na course ko. Computer Engineering ako sa UP. Binalik ko na yung ballpen at naghintay sa pila.

Peter: ....
Peter: ???
Peter: !!!!!
Peter: Siya yung babae kahapon sa orientation ah?

May natanaw akong babae.


Nakita ko ulit yung babae sa FOP. Yung naka white shirt at blue jeans, mahaba at straight ang buhok. Cute. Unti-unting nag zoom yung paningin ko sa kanya na parang camera. Nandoon siya sa may pabilog na upuan, na may puno. May kasama siya, friends niya ata. Naka green shirt siya at naka jeans parin. Maayos siyang manamit, hindi katulad nung iba na masyadong daring.
Bumagal na naman yung galaw ng mga nasa paligid ko. Slow Motion.
Kung tatanungin niyo yung background music, intro ng King and Queen of Hearts ni David Pomeranz. Tulad ng sinabi ko noon, search niyo na lang sa Limewire o Youtube kung hindi niyo alam yung tunog.

Peter: Grabe. Hindi ako nagkakamali na siya yun. Bakit ba lagi ko siyang nakikita? Ano ba meron sa kanya? Destiny? Lovers forever? Best chums? O baka naman may kamukha siya kaya mukang pamilyar. Sino kaya?

Peter: Katie Holmes? Hmm malabo. Katrina Halili? Sexy masyado. Kim Chiu? Siguro. Evanna Lynch? Blonde yun eh. Diego? Hindi! Siyempre hindi, lalake yun eh. San Cai? Medyo, pero hindi rin masyado. Mali, wala pala siyang kamukha. Unique ang itsura niya at napakabait. Sana mabait din siya. Siguro hindi dahil may kamukha siya. Chamba nga lang siguro na makita ko siya hanggang dito. Pero, kapag nagkita ulit tayo, ewan ko lang. Baka nga nandiyan ka para multuhin ako. Huwag naman sana.Takot ako sa mumu eh.

Manong: Pasok ka na sa loob. Pipicturan kana.
Peter: Sige po.

Pag pasok ko sa loob, hiningi sakin yung Form-5 at yung receipt. Pinaupo niya ako doon sa harap ng camera.

Photographer: Ngiti ka!
Peter: Ngiti ako! Malamang! Alangan namang umiyak ako. Teka teka! Bakit may mga nanonood saking grupo ng kababaihan. Sandali lang, paalisin mo muna sila! Huwag!

CLICK!

Peter: Anak ni Hestas! Hindi ako nakangiti! Tumatawa pa yung mga babaeng yun. Nakaka conscious kasi.

Hindi maganda ang naging resulta ng pagkuha sakin ng litrato. Para akong nakakita ng Alien na kamukha ni Kokey dahil sa itsura ko sa ID. Wala ng bawian. Nakapirma na ako bago ko ma-realize na biktima pala ako ng kawalan ng hustisya sa pagkuha ng picture sa ID.

Sabi pa sakin ng photographer, hanggang sa grumadweyt daw ako, yun na yung ID ko.

Bulldog!!

Umuwi akong may bakas ng kalungkutan sa mukha.









Scene 3: Freshmen Orientation Program

Nagsimula na yung FOP namin. Dalawang kolokoy lang naman yung MC ng program. Masyado nilang inemphasize yung pagiging UP student namin, parang pinapataas yung tingin sa sarili namin. Pero ayos naman, hindi naman masyadong mayabang yung paraan, may konti nga lang.

MC1: Dalawa lang ang university sa Pilipinas! U.P and....
All (maliban sakin): OTHERS!!

Sabay palakpakan yung mga uto-utong freshie.

Peter: Pambihirang mga bata to, ang yayabang. Tatagal naman ba kayo sa UP? Hahaha.Asa!

Matapos yun, pinapanood samin yung video tungkol sa buhay UP. At dahil sa interisado ako sa topic at cute ako, pinanood ko yung video.

Paolo: Pete, 8:00, yung naka-orange na shirt. Score? (direksyon yung 8:00)
Peter: Huwag kang magulo, pinapanood ko yung video. Palibhasa kasi puro babae iniisip mo. Tingnan mo na lang yung girl sa video, chicks!
Paolo: Kunwari ka pa. Tingnan mo lang bilis! Malay mo kaklase pala natin.
Peter: Pambihirang tao to, wala ng ginawa kundi mag hunting. Hunter ka ba?

Napilitan ako na sundin yung hayop na yun. Tumingin ako sa kaliwa para tingnan yung naka-orange na shirt. Pero hindi yun ang tumawag ng aking pansin.

Peter: Teka, parang pamilyar yung naka white shirt at blue jeans na girl ah. Saan ko ba ito nakita noon? Sa review center? Sa interaction? Hindi. Hindi ako sigurado. Arghh! Hindi ko talaga maalala, pero parang matagal ko na siyang kakilala. Badtrip.

Pamilyar talaga yung babaeng yun. Hindi naman siya sobrang ganda, maganda lang. At totoo ito, tumunog sa isip ko yung intro ng kantang True ng Spandau Ballet. Search niyo na lang sa youtube o limewire kung hindi niyo alam yung kanta. Naging slow motion din yung nasa paligid ko. Parang Matrix.

Hindi ko alam kung saan, kailan at paano siya naging pamilyar sakin. Misteryo. Mahaba at tuwid ang buhok niya, cute, at medyo slim. Hindi ako sigurado kung sino ang mas matangkad samin, naka-upo kasi eh, kaya hindi ko matantya. Hindi ko alam kung bakit, pero parang kinabahan ako noong nakita ko siya imbis na matuwa. Baka naman mumu. Bahala na. Hindi ko narin tiningnan yung naka-orange na shirt.

Paolo: Ano? Score dali! Baka tugma tayo ng taste hehe.
Peter: 10, at tumahimik kana. Makinig na lang tayo, enjoy naman yung video eh.
Paolo: Naks, good boy effect ka pa jan! Are you true?
Peter: Anong are you true? Baka naman Is that for real?
Paolo: Ul*l !!

Naging maayos naman yung takbo ng program. Puro kalokohan ang ginagawa ng mga MC. Minsan nagpapatawa sila, minsan tinatawanan nila yung mga nagperform. Ay oo, may nag perform na choir. Ang galing nila. Boses nila ang instrumento nila. Idol. Kaya lang ginawa rin silang katatawanan ng mga MC. Abnormal.

Nangyari ang hindi inaasahan. Brownout!
Nagsimulang umalulong yung mga freshie na nasa paligid ko. Parang mga batang hindi sanay sa dilim. Mga noob. Pansin mo rin yung mga hindi talaga pumunta sa FOP para makinig, kundi para lang mag text at makinig ng music sa MP3 players nila. Pag patay kasi ng ilaw, ang daming naka ilaw na cellphones at players.

Peter: Holy Smokes!
Paolo: Holy Cow!
Peter: Paano yan? Edi iinit na dito? Kulob pa naman to.
Paolo: Malamang, brownout eh! Pero huwag ka mag-alala, may generator naman to eh

Peter: Generator? UP? Haha, low budget itong school na ito. Pambihirang buhay to.

Peter: Ano na kaya gagawin ng mga bopols nating MC?
Paolo: Hindi ko alam, pakamatay na lang sila.

Patay na. Unti-unting umiinit sa kwarto na yun. Nararamdaman ko na yung init, init sa katawan. Tumutulo na pawis ko. Grabeng school to, pag nasa labas mainit. Kapag nasa loob mainit parin. Mahal pa ng tuition! Hopia!
Binuksan nila yung pinto sa gilid para lumamig ng konti. At guess what? Megaphone yung gamit ng mga MC at itinuloy parin nila yung segment ng Wowowee. Hayop sa diskarte! Sana pinauwi na lang kami, pinasalamatan pa namin sila at pagpapalain pa sila ng Diyos.

Nagpatuloy yung program. Napansin ko na madaming freshie na ginamit yung envelop nilang may nakasulat na "MABUHAY KA ISKOLAR NG BAYAN" na ipaypay sa sarili nila. Kawawang UP. Yung iba naman, hindi na nakikinig sa megaphone voice ng mga MC. Kanya-kanyang trip. Yung iba may ka text, yung iba nakikinig sa iPod. At yung iba, tulog.

Matapos ang isang dekada, nagkaroon na ng kuryente. Thank God! At syempre, naghiyawan naman yung mga freshie. Doon ko napatunayan na mas gusto nilang magkakuryente kaysa makinig sa FOP. Ayos! Hindi na mainit at makakatulog na ko ng mahimbing. Boring na kasi yung speeches ng mga dean ba yun.

MC2: Okay! So mga freshie, gusto niyo bang makasama sa pagcheer ang UP PEP SQUAD?
Freshies: OoopooooOoo! (parang grade 2)

Drum: TUG TIK TUG TIK! TUG TIK TUG TIK!
UP Pep Squad: Uh! NIBERSIDAD NG PILIPINAS ! Uh! NIBERSIDAD NG PILIPINAS!
Uh! NIBERSIDAD NG PILIPINAS! Uh! NIBERSIDAD NG PILIPINAS! Maaaaahhtatapang! Matatalino! Waaaaahlang takot! Kahit kanino! Di - Kami - Magpapahuli ! Ganyan kaming! Mga taga U-P!

Freshies: Wooo! (pumapalakpak kasabay nung drums)

Ayun, pinatayo kami at tinuruan kung pano mag cheer. Nung una masaya, kasi mejo lively yung cheer. Pero napansin namin na pakorny ng pakorny yung cheer. Tipong gusto na namin lahat umuwi, pero hindi pa, kasi hindi pa nakikita yung iba pang cheer. Grabe, bored na bored na ako. Ewan ko lang yung mga freshie kong ka batch. Mukang enjoy sila sa boring na cheer.

Matapos nun, wala ng masyadong mahalagang bagay ang nangyari. Sabay kaming umuwi ni Paolo dahil pareho lang naman ang dinadaanan namin. Pero iniisip ko parin yung babaeng nakita ko nung FOP habang nakasakay kami ni Paolo sa jeep.

Peter: Hindi ko talaga maisip kung sino yung babaeng yun. Baka naman kabiyak ko? Haha! Biro lang. Pero, hindi ko talaga alam kung bakit ganito nararamdaman ko. Magiging parte kaya siya ng buhay ko? Bahala na.

Paolo: Sige Pete, bababa na ako.
Peter: Ingat!
Paolo: Love you!
Peter: Sipain kita dyan eh!

At natapos ang isang walang kabuluhang araw. Hindi ko pa maalis sa isip ko yung babae na yun, at yung megaphone.









Saturday, August 25, 2007

Scene 2: Pre-Freshmen Orientation Program

Handang-handa na ako pumunta sa U.P. Diliman. Syempre, orientation yun eh. Tuturuan at tutulungan kami kung paano mamuhay sa loob ng napakalaki at napakalawak na paaralan. Syempre, maaari rin akong makakita ng mga posible kong maging kaklase. By department kasi yung orientation eh. At dahil sa lalaki ako (at gwapo), hindi rin mawawala na maghunting ako ng chicks (at ako ang huntingin).

Peter:
Malas naman, puno lahat ng jeep papuntang Cubao, Ashtray!!
Barker: Cubao ! Cubao! Aurora! Sakay na !
(kung paano pumutok ang isang machine gun, ganon siya mag salita) apat pa apat pa! Konting ayos lang! Sakay na pogi! Lalarga na!
Peter:
Alam kong pogi ako, makasakay na nga. Baka ma-late pa ako sa orientation. Pero hindi, hindi naman siguro ako ma-lalate. Kung sabagay, sa Economics Building lang naman yun.

At pagsakay ko ng jeep...

Jumbo Bass: BOOM SHIK BOOM, BOOM SHIK! BOOM SHIK BOOM, BOOM SHIK!
Andrew E: HUMANAP KA NG PANGET! HUMANAP KA NG PANGET AT IBIGIN MO NG TUNAY!

Ayos si manong! May libreng disco sa kanyang pampasaherong jeep. Bullshit.
Mabuti na lang, hindi nagsinungaling yung barker sa upuan. Nakaupo naman ako ng maayos at nakasandal ng kumportable. Hindi lang makapagpahinga puso ko ng maayos.
Sa awa ng Diyos, hindi pa naman basag mga eardrums ko. Matino pa naman ako at hindi ko pa kamukha si Andrew E. Nakarating ako ng Katipunan, nakasakay ulit, at nakarating sa Economics Building.

Peter:
Ayos, ang daming tao. Puro mga baguhan sa U.P. Niyahahaha!! Mga Freshmen! Not bad, may mga chicks din at mga gwaping na gaya ko. Hmm, si Paolo yun ah.

Si Paolo Pascual, kaklase ko siya noong High School. Kasama ko lagi ito sa kalokohan, tawanan at kulitan. Pero smart din to, kaya nga siya nakapasa sa UPCAT eh. Gwapo rin na kagaya ko. Minsan lang umaarte na bobo, pero ayos, komedyante naman.

Peter: Ayos ah, excited ka sa orientation no?
Paolo: Napaaga nga ako eh. Buti dumating ka, may katabi ako na kakilala ko. Tara pasok na tayo. Baka maubusan tayo ng upuan.

Pagpasok namin sa may theater, natuwa kami. Ang laki at mejo bago yung kwarto. Hindi ko inakalang may ganito ang U.P. , dahil ang balita ko, bulok daw equipments dito. Anyway, nakahanap kami ng bakanteng upuan sa 3rd row mula sa harap, right side.

Paolo: Pete, tingnan mo yung nasa harap natin.
Peter: Yung naka black ba?
Paolo: Oo, number?
Peter: Hmm, 7, ikaw?
Paolo: Sige pwede na yan, 7 :D

Iyang number na yan. Score yan, kung maganda o hindi kagandahan yung babae o lalake. Out of 10 yan. Trip lang namin, pero nothing personal.

Peter: Kausapin na natin? Diba kakapalan na natin ang mukha natin?
Paolo: Ano ka ba? Orientation to, hindi dating contest. Tara, search pa tayo hehe.
Peter: Walang mangyayari satin kung puro search, dapat may destroy! Hahaha!
Paolo: Destroy? Labo mo, are you drugs?
Peter: Me? Im no drugs! Im a Boy!
Paolo: Hahaha!
Peter: Hahaha!
Paolo: Why boy?

Peter:
Ano ba isasagot ko dito. Patay na, tinopak na ang kaibigan ko. Kaya ako nabobo sa english eh.

Peter: Yes!
Paolo: Hahahaha!!
Peter: Ngiyahaha, para tayung hindi taga U.P. Umayos ka hayop ka!
Paolo: Hahaha! Hahaha! Ayoo.. ko.. naaa hahahahaha! (hinihingal na)

Ito walang biro. Parang mamamatay na talaga siya sa kakatawa. Hindi ko alam kung bakit siya ganon. Nagmamakaawa na siya na huwag ko na daw ituloy yung conversation namin. Kita ko talaga, tumutulo na sipon niya. Kita ko narin esophagus niya, pambihira. Kawawang bata.

Maya maya lang ay nagsimula na ang Freshmen Orientation Program.










Thursday, August 23, 2007

Scene 1: Enrollment Day

Peter: Ang init naman dito. Sabi na eh, dapat sa De La Salle University na lang ako eh. Balita ko, air-conditioned mga kwarto dun. Sayang talaga, nandoon pa naman si Cyrus, everyday gimmick sana. Pero anong magagawa ko, mas malapit sa Pasig ang UP Diliman kaysa DLSU, mas mura pa. Saka, conyo mga tao dun, hindi ako bagay.

Ako nga pala si Peter Ocampo at malamang sa malamang, ako ang bida dito. Alam ko napansin mo na parang hawig ni "Diether Ocampo" yung pangalan ko, pero wala siyang kinalaman sa pagpapangalan sakin ng magulang ko. Hindi ko na lang sasabihin kung saang mataas na paaralan ako nanggaling, basta ang alam ko at ang alam niyo sa ngayun, mag-aaral ako ng UPD.


Peter: Problema talaga oh! Pila, init, pawis, pera at mga staff. Ganito ba talaga dito? Buti na lang ako na ang susunod. Bakit kaya ang iinit ng dugo ng mga staff? Parang silang kumakain ng mga buhay na freshie..
Peter: Ito po yung F-137, at F-138 at yung recommendation po.
Staff: ....
Peter: Tagal, nagluluksa ka ba?
Staff: ....

After 32 seconds (sakto yan)

Staff: Sagutin mo na lang itong Form 5. Carbon paper yan, kaya yung pahina sa harapan na lang ang sulatan mo. Hanap ka na lang ng pwesto jan.

Matapos nun, madali akong naghanap ng pwesto. Bale, madaming tables at upuan. Ang problema, madaming naka-upo. Buti na lang may bakante akong nakita. Doon na lang ako umupo.

Peter: Excuse me, pwedeng maki-upo?
Freshiegirl: Sige okay lang (sabay ngiti) :D
Peter: :D
Peter: Patay na! Chicks! Okey sa olrayt!

Ito pinaghandaan ko talaga ito eh. Sinabi ko sa sarili na magbabago na ako pagdating ng College. Hindi na ko magiging mahiyain. Tapos na yung silent type mode. Kailangan dito kakapalan ng mukha. Yun eh, paniniwala ko lang naman. Kung sabagay, ano kung mapahiya ako, kilala ba nila ako?

Bale ayun, habang sinasagutan ko yung Form 5...

Ate: Uy freshie! Carbon papers yan, kaya pantayin mo na lang yung tatlong papel. At saka yung Country of Citizenship, Philippines, hindi Filipino
Freshiegirl: hihihi (giggle)
Peter: Anak ni Adan! Oo nga no? Grabe naman kasi enrollment dito sa UP, parang quiz! Pahiya ako doon ah
Peter: Oo nga pala! (sabay takip sa mukha) Sorry !!

Buti na lang mejo pantay pa yung carbon papers, at sakto naman sa mga blank yung mga sinulat ko. Dun lang talaga sa citizenship ako sumablay. Malas.

Sinulyapan ko yung papel ni Freshiegirl (kasi hindi ko alam yung pangalan) kung nasaan na siya sa pagsagot.

Peter: Anak ng Tokwa! Tatawa-tawa pa siya kanina ah? Eh FILIPINO din naman yung nilagay niya sa country's citizen ba yun. Hayop! Maganda ka pa naman!

Pero dahil mabait ako at gwapo, hindi ko siya binalak asarin, sa halip ay iwawasto ko sana ang kanyang kamali an nang biglang..

Freshiegirl: Sige, mauna na ako. Pipila na ako sa pag papaenlist :D (oo may ngiti pa siya noon)
Peter: Sige!
Peter: Nyemas! Pababalikin ka ng staff dun dahil sa citi.. country.. countryship.. basta yung bansa. Kala mo ha.

Matapos noon, tinuloy ko na ang pagsagot. Nakapila naman ako agad at nakapag-enlist ng subjects. 1:23 PM na akong natapos. Legal na kong mag-aaral sa UP. Kahit mainit, tapos na din sa wakas. Hinintay na ko ni mommy sa labas ng Melchor Hall. Deretso na kaming umuwi.